STARBOOKS NEWS
DOST STARBOOKS, inilunsad sa Tuy Senior High School
June 25, 2026
by Expose Newspaper
DOST STARBOOKS, inilunsad sa Tuy Senior High School
TUY, Batangas — Mas marami nang mapagkukunan ng impormasyon sa agham at teknolohiya ang mga mag-aaral at guro ng Tuy Senior High School matapos ilunsad ng Department of Science and Technology-Batangas ang Science and Technology Academic and Research-Based Openly Operated Kiosk Station o STARBOOKS noong Hunyo 2, 2026.
Ang STARBOOKS ang kauna-unahang digital science and technology library sa bansa na binuo ng DOST-Science and Technology Information Institute. Naglalaman ito ng libo-libong digitized learning materials gaya ng mga aklat, magasin, journal, scientific at research papers, video, audio, disaster preparedness materials, interactive courseware at K–12 learning resources.
Maa-access ang mga materyal sa STARBOOKS kahit walang internet connection, kaya malaking tulong ito sa mga estudyante at gurong nangangailangan ng mapagkakatiwalaang sanggunian sa kanilang pag-aaral, pananaliksik at pagtuturo.
Bilang bahagi ng deployment, nagsagawa rin ang DOST-Batangas ng orientation at training para sa mga mag-aaral, guro at magulang. Pinangunahan ni Renalee L. Reyes, Science Research Specialist II ng DOST-Batangas, ang talakayan tungkol sa layunin, mga platform at wastong paggamit at pangangasiwa ng STARBOOKS.
Ipinakilala rin sa mga kalahok ang STARBOOKS Online at ang STARBOOKS mobile application na maaaring ma-download sa Google Play Store.
Naging posible ang paglalagay ng digital library sa paaralan sa tulong ni Tuy Municipal Councilor Jerome Patulot, na nagkaloob ng computer set na ginamit sa installation ng STARBOOKS.
Nagpasalamat naman si Tuy Senior High School Principal Dr. Ma. Rhoda E. Panganiban sa DOST sa pagpili sa kanilang paaralan bilang benepisyaryo ng programa.
Ayon sa punong-guro, magiging mahalagang kagamitan ang STARBOOKS para sa mga mag-aaral at guro sa kanilang pag-aaral at pagtuturo.
Source: https://www.facebook.com/groups/574149757190109/pe...